Manila, Philippines – Umaasa ang Migrante International na hindi Moro-Moro lamang ang napabalitang nasentensiyahan na ng parusang bitay ang dalawang employers ni Joanna Demafelis.
Ayon kay Arman Hernando, tagapagsalita ng Migrante International, sa ngayon ay bineberipika nila mismo ang naibalita dahil sa pagkakaalam nila ay hindi pa napapasakamay ng mga otoridad sa Kuwait ang mga employers ni Demafelis.
Duda ang grupo na pinalutang ang balita upang pahupain ang galit ng mga OFWs na sumisigaw ng hustisya sa sinapit ni Demafelis.
Nakukulangan din ang grupo sa ipinapakitang pagsisikap ng papel ng gobyerno para makamit ang hustisya.
Aniya, kung pagbabatayan ang kaso ni Jakatia Pawa at ang mga nakukuha nilang impormasyon, nahuhuli at hindi direktang nakikisangkot ang gobyerno ng Pilipinas sa kaso ni Joanna.
Idinagdag ni Hernando na Mayroon pang 196 na pagkamatay ng mga OFW mula 2016 na nag-aantay ng atensyon ng gobyerno.