Nakukwestyon sa mataas na bilang ng hindi marunong magbasa sa Bicol region

Nakukwestyon ngayon ni Albay Representative Joey Salceda ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa lumabas na report ng Department of Education (DepEd) na libu-libong estudyante sa Bicol Region ang hindi marunong magbasa.

Ayon kay Salceda, hindi na dapat ito nangyayari sa ngayon gayong mayroon nang ipinapatupad na 4Ps.

Pero sinabi ni Salceda, ang sistema sa 4Ps ay binibigyan ng buwanang allowance ang bawat indigent na pamilya sa ilalim ng 4Ps kapalit lamang ang magandang attendance ng kanilang mga anak sa paaralan at hindi sa kung ito ay natututo sa mga itinuturo sa loob ng silid-aralan.


Posibleng ipatawag ng kongresista ang Department of Social Welfare and Development o DSWD Region para pagpaliwanagin sa status ng 4Ps.

Samantala, malnutrisyon pa rin ang nakikitang dahilan ng kongresista sa humigit kumulang 76,000 ang non-readers o struggling readers sa buong Bicol Region

Iginiit ni Salceda, na sadyang hirap ang mga estudyante na matuto sa paaralan kapag walang laman ang kanilang mga tiyan.

Dahil dito, pinaaaprubahan ng kongresista ang House Bill 6295 o Universal Free School Meals.

Naniniwala si Salceda, na mas tiyak ang pagkatuto ng mga estudyante kapag may laman ang sikmura ng mga ito kapag nag-aaral.

Facebook Comments