Nakumpiskang smuggled na produkto, aabot na sa mahigit ₱64-B

Aabot sa halos ₱64 billion ang halaga ng goods o produktong nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC).

Sa presentasyon ng ahensya sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means kaugnay sa update sa proseso ng inspeksyon ng meat at plant products, sinabi ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero na mula 2019 hanggang Abril 2022 ay aabot sa ₱63.94 billion ang halaga ng nasamsam na mga iligal na produkto.

Mula Enero hanggang Abril 17, 2022 naman ay nasa mahigit ₱4-B na ang total value ng seized products.


Sa halos ₱64-B, tinatayang ₱2-B naman dito ang halaga ng mga nakumpiska na agricultural products.

Nasa 106 na kaso naman ang naisampa na kung saan 76 dito ay paglabag sa Republic Act 10845 o Anti-Agricultural Smuggling Act.

Dismayado naman ang panel dahil karamihan sa mga nasampahan ng kaso ay suspended lamang.

Tiniyak pa ng BOC na may nakalatag na mga programa para masawata ang smuggled products.

Ilan sa mga ito ang automation ng BOC process na nasa 82% na, pagkakaroon ng sapat na scanning equipment, paggamit ng body cameras sa mga inspeksyon, activation ng Inspection Unit, at pagpapaigting ng mga joint operations laban sa smuggling kasama ang Philippine Coast Guard, Philippine National Police-Maritime, at National Bureau of Investigation.

Facebook Comments