
Isinasapinal na ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang mga nalalabi nitong case referrals na isusumite sa Ombudsman kaugnay ng maanomalyang flood control projects.
Sa kabila naman ito ng pagbitiw sa puwesto ni ICI Commissioner Rossana Fajardo.
Ayon kay ICI Chairperson Andres Reyes Jr., ang pagbibitiw ni Fajardo ay likas na punto sa trabaho ng komisyon lalo na’t ang ICI ay may mandato na mangalap ng mga ebidensya, palabasin ang katotohanan, at magrekomenda ng mga reporma.
Tiniyak din ni Reyes sa publiko ang patuloy nilang paghabol at pagpapanagot sa mga nakinabang sa maanomalyang flood control projects anomaly.
Tiniyak naman ni Fajardo na natapos niya ang kanyang trabaho sa komisyon.
Magugunitang nitong Disyembre ay nag-resign din sa ICI si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Rogelio Singson.
Sa ngayon, ang natitira na lamang na opisyal ng ICI ay sina Reyes, dating PNP Chief Rodolfo Azurin, at Executive Director Brian Keith Hosaka.
Sa kabuuan, may walo nang case referrals na naihain ang ICI sa Office of the Ombudsman, laban sa halos 100 indibidwal na sangkot sa flood control anomalies.










