
Hindi pa rin nahahanap ang labi ni Kagawad Redento, ang natitirang nawawalang biktima mula sa insidente ng pagguho ng lupa na nangyari sa kasagsagan ng Bagyong Uwan sa Western Uma, Lubuagan, Kalinga.
Isang linggo matapos ang pananalasa ng Bagyong Uwan, patuloy pa rin ang search-and-retrieval operation ng iba’t ibang ahensya sa Kalinga upang mahanap na ang katawan ng natitirang biktima.
Batay sa ulat ng lokal na pamahalaan ng Lubuagan, tumulong na ang Tabuk City Disaster Risk Reduction and Management Office (Tabuk CDDRRMO) at Pasil Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (Pasil MDRRMC) sa pagbabantay sa kahabaan ng Chico River at Pasil River kung sakaling inanod ang katawan ng biktima pababa ng mga naturang ilog.
Pahirapan pa rin ang operasyon dahil sa mga hamon gaya ng matarik na lugar, delikadong bangin, at panganib ng pangalawang landslide o pagguho muli ng lupa.
Sa kabila ng pagsisikap na ito ay hindi pa rin nahahanap ang biktima kaya patuloy na pinapaalalahanan ng mga awtoridad ang mga residente na maging maingat.









