Manila, Philippines – Ikinalungkot naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na putulin na ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng CPP-NPA-NDF.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (afp) spokesman, Major General Restituto Padilla, mahirap para sa kanila na kalabanin ang kapwa Pilipino gayung maaari naman daw itong idaan sa usapan.
Pero iginiit ni Padilla na talagang mahirap makipag-usap sa mga komunistang grupo lalo na’t hindi sila tumutupad sa anumang kasunduan.
Aniya, kahit na umiiral ang usaping pangkapayapaan at unilateral ceasefire, patuloy pa rin umano sa kanilang iligal na aktibidad ang NPA.
Sa record ng AFP, mas lalong tumaas ang bilang ng mga ginawang pag-atake, paninira at pagpatay ng npa sa mga sundalo at sibilyan mula Enero hanggang Nobyembre 2017 kumpara noong nakaraang taon.
Magkaganun pa man, bukas pa rin ang AFP na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para sa usaping pangkapayapaan sa ilang miyembro ng NPA kung saan handa din nila itong tulungan kung sakaling sumuko.