Manila, Philippines – Kumbinsido si Senator JV Ejercito na nangangailangan ng psychiatric help o tulong ng doktor sa pag-iisip ang estudyante ng Ateneo Junior High School na base sa kumalat na viral video ay makikita na nambu-bully o nanakit ng ilang kapwa niya estudyante.
Ikinatwiran ni Ejercito na base sa kumalat na video ay ilang beses ng ginagawa ng bata ang pananakit sa kanyang kapwa estudyante kaya dapat matingnan na ito ng isang espesyalista.
Kasabay nito ay binigyang diin ni Ejercito na responsibilidad ng mga magulang ang pagpapalaki ng tama at pagtuturo ng magandang asal sa kanilang mga anak.
Hinala ni Ejercito, posibleng kinukunsinti ng mga magulang ng nabanggit na binatilyo ang masamang nakagawian nito.
Binigyang diin pa ni Ejercito na mali na ginagamit ng nabanggit na estudyante ang kaalaman sa martial arts para manakit ng kapwa.
Ayon kay Ejercito, dati din siyang taekwondo student at malinaw ang disiplinang itinuro sa kanila na ang martial arts ay dapat lamang gamitin para ipagtanggol ang sariling kaligtasan.