Umakyat na sa 250 ang namataang bilang ng mga barko ng China sa Julian Felipe Reef sa West Philippine Sea (WPS).
Sa kabila ito ng patuloy na protesta ng Pilipinas dahil sa pananamantala ng China sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa kung saan una nang naghain ng diplomatic protest ang Department of Foreign Affairs (DFA) laban dito.
Ayon sa National Task Force for the West Philippine Sea, batay sa isinagawang aerial at maritime patrol nitong March 29, nakitang mas dumami pa ang barko ng China sa West Philippine Sea.
Kabilang dito ang 115 militia vessels sa Kennan Reef, 45 militia vessels malapit sa Pag-asa Islands at 50 pang militia vessels sa Panganiban, Kagitingan at Zamora Reefs na lahat ay nakapaloob sa Kalayaan Island Group (KIG) sa West Philippine Sea.
Maliban dito, mayroon pa anilang apat na People’s Liberation Army Navy (PLAN) vessels sa Panganiban Reef na parte rin ng EEZ at continental shelf ng Pilipinas.
Sa ngayon, patuloy ang ginagawang pagbabantay ng task force sa magiging aksyon pa ng China.