Manila, Philippines – Nanawagan ang tatlong opisyal ng pamahalaan na madalas banatan ni Pangulong Rodrigo Duterte na labanan ang anumang banta sa demokrasya.
Sa ika-25 anibersaryo ng Constitutional Fiscal Autonomy Group (CFAG), hinimok ni Chief Justice Ma. Lourdes Sereno ang mga ahensiyang kasapi ng CFAG na labanan ang ano mang banta, kung mayroon man, sa demokrasya.
Ang CFAG ay binubuo ng SC, Civil Service Commission, Commission on Audit, COMELEC, CHR, at Ombudsman na may fiscal autonomy sa pananalapi.
Nilinaw naman ni Commission on Human Rights (CHR) Chairperson Chito Gascon na ang okasyon ay pagdiriwang ng anibersaryo at hindi pagtitipon laban sa administrasyon.
Hinikayat rin ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang mga ahensiya na “Itaguyod ang Karapatan, Katapatan, Katarungan, Karangalan at Katapangan” para sa bansa.
Patuloy din anila nilang ipaglalaban ang integridad ng saligang batas at ang pagiging malaya ng kanilang mga institusyon.