Hinikayat ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang publiko na iwasang gumawa ng anumang ispekulasyon.
Ito ay matapos ang naganap na pagsabog sa Lamitan, Basilan na ikinasawi ng labing isa kabilang na ang driver/suspek, ilang miyembro ng security force at mga sibilyan.
Sinabi ni Lorenzana, mariin niyang kinukondena ang nabanggit na pagsabog bagaman at hindi aniya nila isinasantabi ang mga posibleng motibo sa insidente.
Mas maigi aniyang hayaan na muna ang mga alagad ng batas sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa pangyayari upang matukoy ang totoong salarin.
Ang mahalaga aniya ay napigilan ng mga tropa ng pamahalaan ang mas malaking pinsalang posibleng idulot ng pagsabog.
Tiniyak naman ni Lorenzana na gagamitin nila ang buong puwersa para papanagutin ang mga may sala at mabigyang katarungan ang pagkamatay ng mga biktima.
Samantala, nagbabala ang defense chief sa mga grupong nagbabalak maghasik ng gulo partikular na sa Mindanao na huwag magpapakasiguro dahil hindi sila mangingiming durugin ang mga ito.