Dismayado si Senator Panfilo Ping Lacson sa pagkasayang ng sangkaterbang pera na ng pamahalaan na ginastos ng Department of Public Works and Highways o DPWH sa isang road project sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Ang tinutukoy ni Lacson ay ang Baguio-La Trinidad-Itogon-Sablan-Tuba-Tublay o BLISTT Circumferential Road na aniya ay panganib sa buhay ng mga motorista at publiko dahil sa kakulangan ng pagpaplano.
Sa katunayan, nitong Mayo lamang aniya ay mayroong nasawi sa isa sa mga kalsadang sakop ng BLISTT, nang mahulog sa bangin at tumihaya ang isang dump truck sa bahagi ng Labey-Lacamen Road na matatagpuan sa Tublay, Benguet.
Ayon kay Lacson, humigit-kumulang P1.84 bilyon na ang nailaan sa nabanggit na proyekto mula noong 2017, kabilang na rito ang P590 milyon para sa susunod na taon.
Pero diin ni Lacson, sa kabila ng malaking budget ay walang proteksyon ang ilang bahagi nito sa kaliwa’t kanang pagguho ng lupa tuwing masama ang lagay ng panahon.
Nadiskubre din ni Lacson na hindi nakipag-ugnayan ang DPWH sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) upang matukoy ang mga landslide-prone na lugar para sa ibayong pagbuo ng depensa sa mga bahagi ng nasabing lansangan.