NANAWAGAN | Grupo ng manggagawa nanawagan ng imbestigasyon laban sa isang security agency na hindi nagbabayad ng SSS contribution

Manila, Philippines – Nanawagan ang isang grupo ng manggagawa na imbestigahan ang alegasyon na hindi pagbabayad ng Social Security System (SSS) contribution ng security agency na pag-aari ng pamilya ni Solicitor General Jose Calida sa mga empleyado nito.

Ayon kay Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) Alan Tanjusay, paglabag sa basic general labor standards ang hindi pagtugon sa benepisyo ng mga manggagawa ng Vigilant Security Agency na pag-aari ng pamilya Calida.

Hinimok ni Tanjusay ang pamunuan ng Social Security System (SSS) na magsagawa ng motu propio proceedings sa inirereklamanong security agency dahil sa hindi pagbayad ng SSS premiums sa mga empleyado nito.


Bukod sa SSS, nananawagan rin si Tanjusay sa Department of Labor and Employment (DOLE) para mag initiate ng labor inspection proceeding sa Vigilant Security Agency.

Nais rin aniyang malaman kung nagre-remit din ng iba pang benepisyo ang Vigilant tulad ng Pag-IBIG at PhilHealth.

Dagdag pa ni Tanjusay kahit may mataas na pwesto pa sa gobyerno ang kaanak ng pamilya Calida ay dapat managot ang mga ito kung mapapatunayang may paglabag sa labor standards.

Ang Vigilant ay may multimillion-peso contracts sa ibat-ibang ahensiya ng gobyerno, kasama dito ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Facebook Comments