Manila, Philippines – Isa pang grupo ang dumulog sa Supreme Court (SC) para ihirit na maideklarang void ang pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute ng International Criminal Court o ICC.
Sa petition for certiorari ng Philippine Coalition for the ICC, hiniling nila sa Supreme Court (SC) na ideklarang “void ab initio” o walang bisa ang notice of withdrawal ng Pilipinas sa ICC.
Nanawagan pa ang grupo sa Korte Suprema na atasan ang Pamahalaan na bawiin nito at ideklarang walang bisa ang isinumite nitong dokumento sa United Nations Secretary General na kumakalas na ang bansa sa Rome Statute.
Ayon sa grupo, umabuso sa kapangyarihan si Pangulong Duterte at nilabag anila nito ang checks and balance nang magdesisyon na kumalas sa ICC nang hindi ito ikinokonsulta sa Senado na siyang nag-ratify o nagpatibay nito noong 2011.
Kabilang sa mga petitioner sina dating CHR Chair Loretta Ann Rosales na siya ring founding Chair ng Philippine Coalition for the ICC at Aurora Corazon Paring bilang co-chair.
Respondents sa petisyon ng grupo sina Executive Secretary Salvador Medialdea, DFA Secretary Alan Peter Cayetano at Permanent Philippine mission to the UN Teodoro Locsin, Jr.
Nauna nang umapela sa SC ang ilang mambabatas mula sa oposisyon na humihirit din na ideklarang null and void ang pagkalas ng Pilipinas sa ICC.
Sa July 24, isasalang na sa oral arguments ng SC ang petisyon ng opposition senators.