NANAWAGAN | Liderato ng MPD umapela sa Mababang Korte na pabilisin ang pagpapalabas ng commitment order sa mga bilanggo

Manila, Philippines – Nanawagan ang pamunuan ng Manila Police District (MPD) sa Manila Regional Trial Court (MRTC) na agad na tugunan ang problema ng siksikan sa mga piitan sa pamamagitan na pagpapalabas ng commitment order sa mga bilanggong nakakulong sa ibat-ibang himpilan ng MPD upang maiwasan na maraming mamamatay.

Ayon kay MPD Spokesman Superintendent Erwin Margarejo dahil sa kanilang pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga ay nagsiksikan ngayon ang mga bilanggo sa mga kulungan ng MPD na naging dahilan ng siksikan at halos hindi na makahinga ang mga inmates at maraming mga sakit ang naglalabasan.

Paliwanag ni Margarejo pumalo na umano sa 20 ang namamatay ng mga bilanggo at 14 dito ay mula sa Station 3 ng MPD mula January hanggang June taong kasalukuyan.


Inatasan na ni MPD District Director Chief Superintendent Rolando Anduyan ang lahat ng mga Station Commander na ipabatid sa Mababang Korte na magpalabas agad ng commitment order dahil nagsiksikan na ang mga kulungan sa MPD.

Giit ni Margarejo na base sa records na ang MPD-Station 3 ay 306.67 percent congestion kung saan ang dalawang kulungan ay kayang i- accommodate ng 30 bilanggo pero mayroon ngayon nakakulong na 122 inmates at ang mga female dormitory ay kaya lamang ng 10 inmates pero mayroong 50 inmates na nag-aantay sa kanilang mga kaso na commitment order.

Facebook Comments