Manila, Philippines – Nanawagan si Albay Representative Edcel Lagman kay Pangulong Rodrigo Duterte na huwag nang gawing biro ang paggamit ng marijuana.
Ang pakiusap ng kongresista ay kaugnay sa ginawang pagbibiro ni Duterte na gumagamit siya ng marijuana para gising sa magdamag pero kalaunan ay binawi din ng Presidente.
Giit ni Lagman, kung ang administrasyon ay talagang seryoso sa kampanya kontra iligal na droga, hindi dapat ginagawang biro o katatawanan ang paggamit ng droga.
Dahil dito, mistula aniyang “fatal failure” at isang malaking biro ang war on drugs ng pamahalaan dahil maraming buhay ang nawala at nasira lalo na sa marginalized at sa poor sector.
Samantala, nagpasaring naman si Akbayan Representative Tom Villarin na huwag nang ikahiya ni Pangulong Duterte kung talagang gumagamit siya ng marijuana para sa medicinal purpose.
Paliwanag ng mambabatas, hindi malabo ito lalo at dumaranas ng chronic pain ang Pangulo bunsod ng mga iniinda nitong sakit.