Nanawagan ang Private Electricity Power Operators Association (PEPOE) sa Kamara na magsagawa ng isang patas na pagdinig sa franchise renewal ng Panay Electric Company (PECO).
Ito ay kasunod ng pangamba ng libu-libong mawawalan ng trabaho na mga empleyado ng PECO at ang nakaambang na power crisis sa oras na ituloy ng Kamara ang pagbibigay ng prangkisa sa More Minerals Corporation (MMC).
Nauna ng umapela ng tulong kay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang mga empleyado ng PECO para sa patas na treatment sa kanilang employer sa hiling nitong palawigin ang kanilang prangkisa.
Apela ni Atty. Ranulfo Ocampo, presidente ng PEPOE, sa Kamara na hindi malayong ipapasan sa mga taga-lungsod ng Iloilo ang gagastusin para sa pagpapatayo ng mga bagong pasilidad para sa distribusyon ng kuryente ng MMC.
Samantala, iginiit din nito na hindi sapat na gawing basehan ang reklamo ng consumer ng PECO sa desisyon ng Kamara para tanggihan ang franchise renewal.
Ito ay dahil 95 na kaso lamang ang nakasampang reklamo sa ERC, maliit na bilang aniya ito kung ikukumpara naman sa 60,000 na customers ng PECO.