Ligtas ang isang mag-ina na 52 oras na-trap sa bumigay na virus quarantine site sa southeastern China noong Sabado, kung saan 20 katao ang namatay.
Lunes ng gabi nang madiskubre ng rescuers ang babae at 10-anyos niyang anak na lalaki na naiahon lang sa guho makalipas ang tatlong oras na paghuhukay.
Ayon sa ulat, 71 katao ang nasa loob ng hotel sa Quanzhou, na nagsilbing quarantine site para sa mga tinamaan ng novel coronavirus, nang mangyari ang insidente.
Napag-alaman mula sa isang opisyal na nire-remodel ang dalawang supermarket sa unang palapag ng gusali at na-deform ang isang poste na dahilan ng pagguho, ayon sa Xinhua News Agency.
Ibinunyag din na ilang beses nang iligal na isinaayos ang naturang hotel na sinimulang itayo noong 2013.
Sampung katao pa ang patuloy na pinaghahanap ng rescuers, habang patuloy ang imbestigasyon sa sanhi ng pagbigay ng gusali.