AMAZON, South America – Matapos ang mahigit isang buwan, nahanap na ng isang tatay ang kanyang mag-iinang naligaw sa gubat noon pang nakaraang taon.
Natagpuan ng katutubong tribo ng Amazon ang naturang pamilya na agad nasagip nang maipagbigay-alam sa awtoridad.
Base sa report ng El Tiempo, nasa bakasyon noon sa La Ezperanza, Peru si Maria Perez, 40, kasama ang kanyang asawa’t tatlong anak edad 10, 12, at 14.
Nang magpasya raw umuwi si Maria sa kanilang bahay sa Puerto Rico kasama ang mga bata, nagpaalam daw ito sa kanyang asawa ngunit mula noon ay hindi na raw nagparamdam ang mag-iina.
Nawawala na pala ang mga ito sa gitna ng dinaanang gubat.
Ayon sa padre-de-pamilya, nasa kasagsagan siya ng paghahanap sa kanyang pamilya nang makatanggap siya ng balita sa social media.
Dito ibinahagi ng mga katutubo ng Secoya community sa Peru ang apat kataong natagpuan nila sa kanilang teritoryo.
Nakumpirma na ang mga nakita sa gubat ay ang nawawalang mag-iina.
Agad na nakipag-ugnayan ang mga nakatagpo sa Colombian National Navy at Peruvian Navy para mai-rescue ang pamilya.
Nang dumating ang mga rumisponde kasama ang naturang tatay, tumambad sa kanya ang asawa’t anak na tila nangayayat na dahil sa hindi matinong pagkain ng mahigit isang buwan.
Naabutan nila ang mga ito habang nakahiga sa semento at puno ng sugat ang buong katawan.
Base naman sa salaysay ng isang saksi, tinubuan na rin daw ng mga uod o maggots ang katawan ng apat partikular na sa kanilang balat at ulo.
Bakas din daw ang kagat ng mga insekto sa ibang bahagi ng kanilang katawan.
Nang masagip ang mga ito ay agad silang isinugod sa ospital para gamutin.
Sa ngayon ay nagpapagaling na ang mag-anak dahil sa sakit na naidulot ng ilang araw na pananatili sa gubat.