Nanay, binuhusan ng kumukulong tubig ang batang umihi sa sahig ng bahay

IG/eohucomm

Umamin ang isang nanay sa US na pinaso ng kumukulong tubig ang kasamang bata sa bahay matapos umano itong umihi sa sahig ng kuwarto ng kanyang anak.

Sa pagdinig sa korte kamakailan lang, sinabi ni Patricia Buchan, 29, na pinaso niya ang 3-anyos na bata na nagtamo ng second-degree burn noong Disyembre 4 nakaraang taon.

Inutusan pa umano nito ang bata na maghubad ng damit, pumuwesto sa bathtub at saka binuhusan ng kumukulong tubig sa ibabang bahagi ng katawan, ayon sa Essex County Prosecutor’s Office nitong Biyernes.


“This child lived his first three years in a house of horrors,” ani isang piskalya sa kaso.

Bukod kay Buchan, sinampahan din ng aggravated assault ang ina ng bata at apat pang matatanda na napag-alamang sistematikong pinagmalupitan ang bata gamit ang kamao at sinturon.

Isang nars sa pinapasukang preschool ng bata ang nagsumbong sa pulis nang mapansin niya ang mga paltos at paso sa hita, at mga pasa sa mukha, tiyan at likod ng biktima.

Mayroon pang limang ibang bata sa bahay kabilang ang apat na anak ni Buchan, ngunit tanging ang 3-anyos lamang ang nakitaan ng mga senyales ng pang-aabuso.

Nakatakdang sintensyahan si Buchan sa Disyembre 6, habang dinala naman sa child services ang lahat ng bata sa bahay.

Facebook Comments