Nanay ginastos umano sa retoke, kotse ang charity fund para sa may sakit na anak

Unsplash

Arestado ang isang nanay sa United Kingdom matapos umanong lustayin sa breast implants at bagong kotse ang charity money na nalikom para sa may sakit na anak.

Dinakip ang 29-anyos na si Natalie Webster noong Linggo, ngunit pinalaya rin habang gumugulong ang imbestigasyon, ayon sa ulat ng The Sun.

Nakalikom umano ang fundraiser para sa sanggol ni Webster na may sakit sa puso, ng £10,000 (P635,000) ngunit nasa £4,200 (P260,000) lamang ang naibigay sa Heart Link Children’s Charity.


Kaugnay nito, naiulat na nangalampag ang mga nagalit na donors sa labas ng bahay ni Webster matapos mabalitaan ang umano’y scam.

Isang Billie Ferris ang nanghihingi ng refund ng £135 (P8,500) niyang donasyon sa fundraiser para sa batang Webster.

“Funny how she’s just had a boob job, bought a new car and her kids are dripping in gold, yet last year she couldn’t rub two brass pennies together,” ani Ferris.

Ayon pa sa ulat, napag-alaman na nagpa-raffle din ang nanay matapos maoperahan ang kanyang anak, at gumawa pa ng GoFundMe page na ngayon ay deactivated na.

Facebook Comments