Nanay, kinampihan ang nobyo na suspek sa pagkamatay ng anak

Pinanigan ng isang nanay sa Nebraska, US ang kanyang kasintahan na inakusahang nagyugyog sa kanilang 5-buwan-gulang na sanggol na namatay.

Tumanggi si Lanisha Marlowe na paniwalaang responsable si Kevin Clayton sa pagkamatay ng batang si Legenn noong Sabado, walong araw matapos mapuruhan, ayon sa ulat ng Metro.

“This man that cried the first time he held that baby in the hospital room–is shaking him? I can’t believe it. I won’t believe it,” pahayag ni Marlowe.


Naniniwala ang 24-anyos na nanay na ibang tao ang nanakit sa anak, taliwas sa iginigiit ni Douglas County Attorney Don Kleine.

Ayon kay Kleine, si Clayton ang natatanging taong nagbabantay kay Legenn nang magtamo ng pagdurugo sa utak ang bata.

Tumawag ang suspek sa 911 para sabihing nakita niyang lumiyad ang bata at bumula ang bibig bago mawalan ng malay.

Nadatnan din daw ni Clayton ang sanggol na nadaganan ng dalawang kutson sa sofa, ngunit ayon sa piskal, hindi tugma ang storyang ito sa tinamong pinsala ni Legenn.

Unang kinasuhan si Clayton ng intentional child abuse resulting in serious injury na iniakyat sa kasong child abuse resulting to death.

Maaaring maharap ang suspek sa 20 taon na pagkakakulong sa oras na mapatunayang may sala.

Kasalukuyang nakapiit sa Douglas County Jail si Clayton na may piyansang $2 milyon.

Facebook Comments