Nanay, pinaaga ang kasal nang malamang may taning na ang buhay ng anak

3275
(Image: James Linsell-Clark/ SWNS)

Pinaaga ng isang ina mula sa England ang pagpapakasal sa ama ng kanyang dalawang anak nang malamang may taning na ang isa sa mga ito, at mayroon na lamang ilang linggo para mabuhay.

Nagpasya ang magkasintahang Hannah at Henry Matthews na ituloy na ang kanilang wedding day matapos aminin sa kanila ng doktor na nanumbalik ang nakamamatay na brain tumor ng kanilang 8-anyos na anak na si Ethan.


(Image: James Linsell-Clark/ SWNS)

Ayon sa doktor, kumalat na raw ang malalang sakit sa kanyang buong gulugod o spine at terminal na raw ang cancer ng kanilang anak.

Sa susunod na taon pa sana planong magpakasal ng dalawa ngunit nais ni Ethan na masaksihan ang kanilang pag-iisang dibdib.

Ikinasal ang mag-asawa nito lamang Miyerkules, Nob.27 sa St. Mary’s Church, Stotfold Hertfordshire.

Nakasakay sa isang wheelchair si Ethan habang nakahawak sa kamay ng ina kasama ang kanyang dalawa pang kapatid na sina Brandon, 12 at Jack, 4.

Una nang nasurian na mayroong brain tumor si Ethan ngunit noong Enero 2017 ay dineklarang ‘all-clear’ na ito.

Ngunit kamakailan lamang, sa hindi inaasahang pangyayari ay nakatanggap ng balita ang mag-asawa na mayroon na lamang apat na linggo ang anak para mabuhay.

Lubos naman ang pasasalamat ng mag-asawa sa mga kaibigan nilang tumulong para matuloy ang kasal.

Facebook Comments

From Advertisers