Nancy Gamo, umakto lang na freelance accountant ni suspended Mayor Alice Guo

Matapos ang dalawang linggong pagkaka-detain sa loob ng Senado, humarap na sa pagdinig ngayong umaga ng Senate Committee on Women si Nancy Gamo, ang accountant ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Sa mga ipinaaresto ng Senado kasama si Mayor Guo at ang pamilya nito, tanging si Gamo lang ang nakaharap ngayon sa imbestigasyon matapos na maaresto ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms (OSAA).

Sa pagdinig, nilinaw ni Gamo na naging freelance accountant lamang siya ni Mayor Alice at hindi kailanman naging empleyado o tumanggap ng retainer sa alkalde.


Paglilinaw pa ni Gamo, per transaction o per project basis lamang ang ugnayan nila ni Mayor Guo.

Aniya pa, taong 2012 niya unang nakita si Guo matapos na ipakilala sa kanya ni JP Samson na pamangkin naman ng kanyang negosyanteng employer at 2017 o 2018 niya pa huling nakita ang suspendidong alkalde sa isang Christmas party.

Kinumpirma ni Gamo na siya ang nagproseso ng incorporation sa ilang mga negosyo ni Guo at ng pamilya nito kasama ang dalawang POGO sa Tarlac pero hanggang sa pagpoproseso ng mga dokumento lamang ang kanyang naging papel at trabaho at wala ng iba pa.

Facebook Comments