
Manila, Philippines – Nangangamba sina Gabriela Representative Emmi de Jesus at Arlene Brosas na magkakaroon ng `dangerous precedent` sa judicial process ng bansa matapos na desisyunan ng Korte Suprema na final and executory ang pagpapatalsik kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Paliwanag ng mga mambabatas, inaalisan ang publiko ng karapatan na busisiin at tingnan kung may merito ang reklamo laban kay Sereno.
Maliban dito, inaalisan din ang dating Punong Mahistrado ng karapatan niyang depensahan ang sarili sa tamang venue.
Para naman kay ACT Teachers Representative Antonio Tinio, pinatunayan lamang ng Korte Suprema na sunud-sunuran ito sa kagustuhan ni Pangulong Duterte na mapaalis sa pwesto si Sereno.
Hindi na rin ikinagulat ni Tinio ang pag-selyo ng mayorya sa mistulang pagtokhang sa judiciary system ng bansa.









