Manila, Philippines – Nangangamba ang mga Senador na mangyari pa sa ibang panig ng bansa ang suicide bombing incident na naganap sa Lamitan, Basilan kung saan labing isa na ang nasawi.
Bunsod nito ay iginiit ni Senator Panfilo Ping Lacson sa pamahalaan na palakasin ang intelligence gathering at paglalatag ng seguridad sa buong bansa para mapigilan ang anumang terroristic acts.
Nagpaabot naman ng pakikidlamhati si Sen. Nancy Binay sa mga kapatid natin sa Mindanao, kaakibat ang panalangin para sa agarang hustisya at paggaling ng mga sugatan at nasawi sa madugong insidente.
Giit ni Senator Binay sa pambansng pulisya at sa iba pang law enforcement agencies, magsagawa ng malalimang imbestigasyon.
Umaasa din si Binay at Senator Risa Hontiveros na hindi makaapekto ang insidente sa pagsisikap na makamit ang lubos na kapayapaan sa Mindanao lalo’t naipasa na ang Bangsamoro Organic Law (BOL).
Umapela din si Hontiveros sa mga otoridad na sikaping mapanagot sa batas sa lalong madaling panahon ang may kagagawan sa brutal na pag-atake.