NANGHIHINANG KWAGO NAHULI SA HARAP NG ISANG BANGKO SA URDANETA CITY

Isang kwago ang nahuli ng mga miyembro ng TODA sa harap ng isang bangko sa Urdaneta City.

Ayon sa mga miyembro, napansin nila na ang ibon ay hindi makalipad at tila nanghihina, kaya agad nila itong inalagaan at dinala sa kanilang tanggapan upang masiguro ang kaligtasan nito.

Personal namang inihatid ng TODA President sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa tamang pangangalaga at rehabilitasyon. Ayon sa DENR, ang agarang pagtugon sa mga ganitong sitwasyon ay mahalaga upang maprotektahan ang mga ligaw na hayop, lalo na ang mga ibong nasa panganib, at upang mapanatili ang balanse ng kalikasan.

Kaugnay nito ang panawagan sa publiko na maging mapanuri at responsable sa kalikasan, at agad na iulat o dalhin sa mga awtoridad ang mga ligaw na hayop na nangangailangan ng tulong.

Ang kuwago ay kabilang sa mga ibong ligaw at protektado, kaya’t kinakailangang mapangalagaan nang tama bago ito maibalik sa kanyang natural na tirahan. Sa pamamagitan ng mabilis at maayos na koordinasyon ng dalawang samahan, naipakita ang tamang pakikitungo sa wildlife at responsableng pagkilos ng komunidad sa pangangalaga sa kalikasan.

Facebook Comments