Manila, Philippines – Mahaharap sa reklamong Act Of Lasciviousness ang isang Call Center agent matapos itong ireklamo ng isang Grab driver sa Quezon City Police District Station 10.
Sa reklamo ni alyas Bryan, nagsakay siya ng apat na pasahero sa BGC Taguig pasado 2:40 ng umaga.
Ihahatid niya sana ang mga ito sa Guadalupe MRT station pero humiling ang isa sa kanila na sa Greenfield District sa Shaw Boulevard ito ibaba.
Nang makababa ang tatlong pasahero ni alyas Bryan, dito na sinimulang hawakan ng suspek na si Christian Pagela ang maselang bahagi ng kaniyang katawan.
Kuwento pa ni alyas Bryan, tinapik niya ang kamay nito at ilang beses na sinaway pero sa kabila nito ay hindi pa rin nagpaawat si pagela.
Kaya naman sa halip na ibaba sa kanyang destinasyon, ay idineretso na lang ng driver ang kanyang pasahero sa presinto.
Depensa naman ni Pagela, lasing siya kaya niya nagawa iyon.