Nangyaring beach party sa Cebu na dinaluhan ng mga umano’y pulitiko, iniimbestigahan na ng PNP

May utos na si Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar sa Cebu Provincial Police Office na imbestigahan ang nangyaring beach party sa Camotes Island noong isang buwan na dinaluhan pa umano ng ilang pulitiko.

Ginawa ni Eleazar ang utos batay na rin sa direktiba ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na imbestigahan ang party para malaman kung may nalabag na minimum public health safety standards at quarantine protocols para maging super spreader.

Sinabi ni PNP chief, mangangalap ng ebidensya ang mga local police sa lugar at makikipag-ugnayan sa Local Government Unit (LGU) tungkol sa insidente.


Matatandaang nakarating sa DILG ang impormasyon kaugnay sa pagtitipon na naganap noong July 10 mula sa isang hindi nagpakilalang complainant.

Base sa uploaded video ng beach party, ipinapakita na tila binabalewala lamang ng mga dumalo ang minimum public health safety standards at quarantine protocols.

Kaya naman paaala ni PNP chief sa publiko, may umiiral pa ring COVID-19 pandemic kaya dapat mahigpit pa ring sundin ang mga minimum health standards at ipinagbabawal ang mass gatherings o iba pang okasyon na maaring maging super spreader events.

Facebook Comments