Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sinasabing nangyaring “food poisoning” sa Brgy. 172 sa Tondo, Maynila.
Nabatid na isa ang patay habang walo mula sa 16 na biktima ang nagpapagaling pa sa ospital makaraang sumama ang pakiramdam dahil sa kinaing chicken mami.
Ayon kay Chairman Ramon delos Angeles ng Brgy. 172, ang nasawi ay kinilalang si Josefina Manila kung saan ngayon lang aniya nangyari ang ganitong insidente sa kanilang barangay.
Kaugnay nito, nakausap na ng mga awtoridad ang nagtinda ng mami pero hindi muna ito pinangalanan.
Naibigay na rin sa Tondo General Hospital ang sample ng chicken mami para malamam kung ito ba ang pinagmulan ng hinihinalang food poisoning.
Kabilang sa mga naranasan ng mga biktima ay pagsusuka, pagkahilo, at pananakit ng tiyan na pawang magkakapit-bahay kung saan mayroong mga bata, senior citizen, buntis at PWD.
Ang nakain naman nilang chicken mami ay sinasabing benta ng kanilang kapitbahay na isinugod din sa ospital dahil sa pagkahilo at pagsusuka.
Batay sa ina ng tindera, wala silang ideya kung papaano ito nangyari dahil wala naman silang ginawang kakaiba sa pagluluto ng mami na matagal na nilang kabuhayan.
Una naman nang nagpasabi ang opisyal ng barangay na handa silang tumulong sa mga biktima at pinapakalma nila ang iba nilang residente hinggil sa nasabing insidente.