Planong ipasiyasat ni Senator Risa Hontiveros sa Senado ang nangyaring gulo kahapon sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center kung saan na-hostage ng isang miyembro ng Abu Sayyaf Group si dating Senator Leila de Lima.
Ayon kay Hontiveros, kung hindi magiging katanggap-tanggap ang paliwanag ng Philippine National Police (PNP) at resulta ng hinihinging imbestigasyon ay maghahain siya ng resolusyon para magkasa ng hiwalay na imbestigasyon ang Senado.
Dapat aniyang maipaliwanag ng PNP at Department of Justice (DOJ) kung paano naging madali ang pagpasok ng myembro ng ASG sa detensyon ni De Lima gayong napakahirap pumunta at dumalaw doon.
Nito lamang aniyang kaarawan ni De Lima, marami sa mga kaibigan ng dating senadora ang hindi nakapasok sa kaniyang bilangguan sa loob ng PNP Headquarters.
Giit ni Hontiveros, mahalaga na masilip ang breach of duty o kamalian at kakulangan sa seguridad ni De Lima upang matiyak na hindi iyon muling mangyayari hindi lang kay De Lima kundi kahit sa sino pang detainee.