Umapela sa pamahalaan ang ilang presidential aspirant na aksyunan ang umano’y nangyaring hacking sa sistema ng Commission on Elections (COMELEC).
Ayon kay Sen. Manny Pacquiao, dapat gamitin ng Kongreso ang kanilang kapangyarihan kaugnay ng Republic Act 8436 o ang Automated Election Law lalo na’t hindi ito ang unang pagkakataon na na-hack ang COMELEC.
Sinabi naman ni Sen. Panfilo Lacson na dapat magsumikap ang in-house COMELEC-accredited cyber-security team na makakuha ng paunang impormasyon sa umano’y hacking sa kabila ng kanilang “limited accessibility.”
Hinimok naman ni Vice President Leni Robredo at ng kanyang running-mate na si Sen. Kiko Pangilinan ang poll body na agad na gumawa ng mga hakbang para matiyak na hindi ito makakaapekto sa integridad ng May 2022 elections.
Tiniyak naman ng kampo ni dating Senador Ferdinand Marcos Jr., na nakatutok sila sa mga nangyayari.
Nauna nang sinabi ng Manila Bulletin na nakatanggap ang kanilang Technews team ng verified information mula sa hindi pinangalanang source ukol sa pangha-hack sa system ng COMELEC noong Sabado na pinangangambahang makaapekto sa integridad ng halalan sa Mayo.