Nagpapatuloy pa rin ang ginagawang imbestigasyon ng pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa nangyaring komprontasyon ng isang mambabatas sa isang tauhan ng NAIA.
Nangyari ang insidente nito lamang linggo kung saan pinagalitan ni Acts OFW Representative John Bertiz si Hamilton Abdul isang airport security officer makaraang pumasok sa screening area nang hindi hinuhubad ang sapatos.
Napansin din nito na pinayagang makalagpas ni Abdul ang grupo ng mga Tsino na hindi hinuhubad ang sapatos dahil umano mayroong escort mula sa NAIA.
Dito na kinastigo nang mambabatas ang nasabing airport security officer.
Sa ngayon, kinakalap na ng MIAA ang lahat ng reports, complaints at actual video footages nang insidente para sa kanilang imbestigasyon.
Pinag-aaralan din ng mga otoridad kung may nalabag na protocol ang inirereklamong airport security officer.