Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na hindi naapektuhan ang kanilang kahandaan para sa gaganaping unang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ito ay sa kabila nang nangyaring shooting incident sa Ateneo de Manila University sa Quezon City, kahapon kung saan 3 katao ang nasawi.
Ayon kay PNP Director for Operations PMGen. Valeriano de Leon maituturing itong isolated incident.
Tiniyak din ng opisyal na iniimbestigahan na ang naturang insidente at igagawad ang hustisya sa naulilang pamilya ng mga biktima.
Sinabi pa ni Gen. De Leon na inatasan na ni PNP Officer-In-Charge PLt. Gen. Vicente Danao Jr., si QCPD PBGen. Remus Medina na paigtingin pa ang pinaiiral na seguridad sa lungsod ng Quezon kung saan doon gaganapin ang SONA ni PBBM.
Matatandaang sa nangyaring krimen, patay si dating Lamitan City mayor Rose Furigay, kanyang aide at isang security guard matapos pagbabarilin ng suspek na kinilalang si Dr. Chao Yumol na may personal na galit sa dating alkalde.