Premature pa para ikonsiderang election related incident ang naganap na insidente ng pamamaril sa grupo ni presidential candidate Leody de Guzman sa Quezon Bukidnon kahapon.
Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Public Information Office Chief BGen. Rhoderick Augustus Alba.
Aniya, nagpapatuloy pa ang pangangalap ng sapat na ebidensya ng PNP para matukoy ang punot dulo ng naganap na pamamaril.
Sa ngayon aniya, batay sa nakuhang impormasyon ng PNP, isa ang sugatan matapos tamaan ng bala ng baril sa kanang paa na ngayon ay patuloy na nagpapagamot.
Habang gumagawa naman ng paraan ang police investigators para makakuha ng impormasyon sa nasugatang biktima.
Batay aniya sa inisyal na imbestigasyon walang proper coordination sa otoridad ang pagpunta ng grupo ni Ka Leody sa isang property sa lugar na may standing court case.
Sa ngayon, wala raw mapagtanungan ang rumespondeng police units sa lugar para makakuha ng mahahalagang impormasyon nang sa ganun ay masampahan ng kaso ang mga nagpaputok ng baril.
Pero nangako ang PNP na tuloy ang kanilang imbestigasyon para mapanagot ang dapat managot.