Manila, Philippines – Nanindigan sina Senate President Tito Sotto III at Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na wala ng panahon para sa isinusulong na Charter Change o Cha-cha ng Kamara.
Paliwanag ni Zubiri, kailangan nilang ibuhos ngayon ang oras sa panukalang pambansang budget para sa 2019 mayroon lamang silang isang buwan sa susunod na taon para talakayin ang mahahalagang panukala dahil papasok na ang panahon ng kampanya at ang eleksyon.
Diin naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, siguradong “dead on arrival” na ang Cha-cha pagdating sa Senado.
Nakakatiyak din si Drilon na pagdedebatehan ng husto kung dapat bang baguhin pa ang ating saligang batas at aling mga probisyon ang dapat amyendahan.
Malabo din para kay Drilon na manaig ang nais Kamara na ang senate president at hindi Vice President ang papalit sa Pangulo kapag may nangyaring masama dito.
Diin pa ni Drilon, sa halip na Cha-cha ay mainam na pagtuunan ng pansin ang pagresolba sa mataas na inflation rate o presyo ng bilihin.
Giit naman ni Committee on Constitutional ammendments ang revision of codes Chairman Senator Kiko Pangilinan, dapat mahiya ang mga mambabatas dahil imbes na probelma sa pagkain at pamasahe ng mahihirap ang atupagin ay mas pinupuntirya ng mga ito na paglaruan ang saligang batas para lalo silang kumapit sa kapangyarihan.