Manila, Philippines – Nanindigan si ACTS-OFW Representative Aniceto John Bertiz na hindi magbibitiw sa pwesto bilang kongresista.
Ito ay kahit pa marami na ang mga nanawagan na mag-resign na lamang ito dahil sa sunud-sunod na kinasangkutang kontrobersiya kung saan pinakahuli dito ay ang insidente ng paninita sa NAIA security personnel na nag-viral sa social media.
Giit ni Bertiz, hindi siya magre-resign bilang kinatawan ng ACTS-OFW Partylist sa Kongreso.
Pero, nakahanda naman niyang harapin kung sakaling may reklamong ihain sa kanya sa Committee on Ethics.
Ngayong araw din ay isasauli na ni Bertiz ang kanyang Security ID sa NAIA at nagpasya na hindi na ito gagamitin.
Muli na namang nag-sorry si Bertiz sa hanay naman ng mga kababaihan dahil sa paghahambing nito sa kanyang inasal sa airport sa ‘monthly period’ ng mga babae.
Wala aniya siyang planong insultuhin ang mga kababaihan at wala din siyang masamang pakahulugan sa menstrual period ng mga babae sa ipinakita niyang ugali sa pag-kompronta sa mga tauhan ng NAIA.