Manila, Philippines – Nanindigan si Dating Pangulong Noynoy Aquino na walang iregularidad sa pag-apruba niya sa paggamit ng savings ng gobyerno para pondohan ang P3.5 billion na halaga ng isang milyong vial ng Dengvaxia vaccine.
Sa kanyang 28-pahinang counter affidavit, iginiit ni Aquino na sumunod siya sa itinatakda ng 2015 General Appropriations Act at sa desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Araullo vs Aquino o desisyon sa kaso ng Disbursement Acceleration Program o DAP.
Kasama sa mga reklamong inihain laban kay Aquino ay ang technical malversation dahil sa pagpapahintulot niya na magamit ang savings ng gobyerno sa programa na wala naman sa ilalim ng 2015 General Appropriations Act.
Dagdag pa ni Aquino, taong 2014 pa inanunsyo ni Dating Health Secretary Enrique Ona ang tungkol sa dengue vaccine na sumasailalim sa testing sa Pilipinas at inihayag din aniya ni Ona ang balak na maglaan ng budget para sa nasabing bakuna sa ilalim ng vaccination program ng Pilipinas para sa taong 2015.
Gayunman, sa ilalim ng Expanded Program on Immunization sa ilalim ng 2015 GAA, sampung gamot o bakuna ang nakalista at pinaglaanan ng gobyerno ng P3.3 billion at hindi kasama sa listahan ang Dengvaxia.