NANINDIGAN | DOT Secretary Wanda Teo, nanindigang dumaan sa proseso ang paglalagay ng commercial sa programa ng kanyang kapatid

Manila, Philippines – Nilinis ni Tourism Secretary Wanda Tulfo-Teo ang pangalan kaugnay ng umano ay maanomalyang advertisements ng Department of Tourism (DOT) na inilagay sa PTV4.

Ayon kay Teo, walang conflict of interest na nangyari dahil dumaan sa proseso ang ad placements.

Iginiit pa ni Teo na wala siyang kinalaman sa pagbabayad at paglalagay ng commercial sa programa ng mga kapatid sa nabanggit na himpilan dahil ang kasunduan ay sa pagitan lamang ng DOT at ng PTV 4.


Binigyang diin nito na wala syang kontrol kung saang programa ilalagay ng PTV 4 ang mga patalastas.

Maliban dito hindi lang naman sa PTV 4 naglagay ng commercial ang DOT dahil maging sa iba pang himpilan ng telebisyon ay napanood ang kanilang advertisement.

Paliwanag pa ng kalihim, inuna lamang nila ang PTV 4 bilang pagtalima sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na unahin ang mga government stations.
Naging kontrobersyal ang ad placement makaraang tukuyin sa report ng Commission on Audit (COA) ang P60 milyong halaga ng advertisements ng DOT na inilagay sa programa Tulfo brothers at ito umano ay hindi suportado ng mga dokumento.

Facebook Comments