Manila, Philippines – Tutol ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa planong maibaba ang minimum age ng criminal responsibility mula edad kinse patungong nueve anyos.
Nais muna ni DSWD Secretary Virginia Orogo na makapagsagawa ng malalimang pag-aaral sa intensyon ng House Bill No. 935, na nag-aamyenda sa ilang probisyon ng RA 9344 o ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.
Wala pa kasi aniyang mga pag-aaral na nagpapakita na kapag binabaan ang edad ng criminal responsibility ay magreresulta ito sa pagbaba ng antas ng kriminalidad sa isang bansa.
Dapat din aniyang mailinaw na madetermina kung aling aksyon ang maaring idaan sa welfare based intervention at kung alin ang kriminal na gawain.
Naniniwala rin si Orogo na anti poor ang hakbang dahil karamihan sa mga Children in Conflict with the Law (CICL) ay nabibilang sa mga magulang na walang hanapbuhay at nahaharap sa matinding kahirapan.
Ang kailangan aniya ay mapagkalooban ng angkop na intervention ang mga CICL para mailigtas sila sa mga sindikato na gusto silang gamitin sa kriminal na aktibidad.