Manila, Philippines – Nanindigan si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na walang krimeng ginawa sa pagsagip sa mga distressed OFW sa Kuwait.
Sa arrival interview nito kagabi kasabay ng pag-uwi ni Philippine Ambassador to Kuwait Renato Villa, sinabi ni Cayetano, walang nilabag na anumang convention sa pagsasagawa ng rescue efforts sa mga Pilipinong manggagawa na humihingi ng tulong.
Iginiit ng kalihim na hindi gagawa ng anumang hakbang ng embahada ng Pilipinas na walang koordinasyon mula sa Kuwait Government.
Sa kabila ng mga panawagang magbitiw, sinabi ni Cayetano na si Pangulong Rodrigo Duterte lamang ang tanging magpapa-alis sa kanya sa tungkulin.
Sa kabila nito, humihingi pa rin ng paumanhin si Cayetano sa Kuwait kung nalabag ang kanilang soberenya.
Matatandaang idineklarang persona non grata si Villa dahil sa isinagawang rescue operations ng Philippine Embassy Officials.
Inakusahan din ang mga opisyal ng embahada na lumabag sa Vienna Convention for Diplomatic Relations at inisyuhan ng warrants of arrests laban sa mga ito.