Manila, Philippines – Nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya i-uurong ang kanyang kampanya kontra ilegal na droga, korapsyon sa gobyerno at kriminalidad.
Sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA), sinabi ni Duterte na mayroon siyang solid commitment na resolbahin ang mga pangunahing problema ng bansa.
Aniya, hindi isasantabi ang war on drugs sa halip, magiging mabagsik at malupit pa ito.
Iginiit ng Pangulo na maraming kinitil na buhay ang ilegal na droga, sinirang pamilya at winasak na relasyon.
Kasabay ng pagbatikos sa human rights advocates, iginiit ng Pangulo ang kahalagahan ng buhay.
Hindi rin hahayaan ni Pangulo na magkaroon ng ‘human cesspool’ sa mga susunod na henerasyon dahil sa paglaganap ng krimen.
Muli ring binigyang diin ng Pangulo na tatapusin ang korapsyon sa gobyerno at ikinumpara pa ito sa isang linta na sinusugatan ang gobyerno habang sinisipsip nito ang pondo na nakalaan sana para sa infrastructure at iba pang social development projects.