Manila, Philippines – Nanindigan si Major General Ronald Villanueva ang commander ng 4th Infantry Division ng Philippine Army na magtutuloy tuloy ang kanilang operasyon kahit pa may pahayag ang Communist Party of the Philippines- New People’s Army na palalayain lamang nila ang kanilang mga bihag kung ititigil ang military operation.
Ayon sa opisyal hindi kailanman man makikipag negosasyon ang militar sa NPA at hindi rin magsusunod sunuran sa kanilang kagustuhan.
Sakali naman aniyang saktan o patayin ng NPA ang kanilang bihag ay tiniyak ni General Villanueva na mahaharap ang mga ito sa International Humanitarian Law.
Sa ngayon aniya ay nagpapatuloy na ang hot pursuit operation para matukoy ang kinaroronan ng mga bihag para mailigtas ang mga ito.
Hindi na rin ikinagulat ni Villanueva ang pahayag ng NPA na kaya dinukot nila ang mga CAFGU at sundalo ay dahil sa pang aabuso.
Aniya hindi na raw ito bago, at ito aniya bahagi ng propaganda ng CPP- NPA.
Sa inisyal aniyang ulat natutulog ang mga CAFGU at sundalo nang salakayin at tangayin ng mga NPA.
Kaya iniimbestigahan ngayon ng AFP kung nagkaroon ng security lapses.