Manila, Philippines – Hindi umano papayagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na madagdagan pa ang mga nag-o-operate na casino sa bansa.
Sa kanyang talumpati sa Camp Crame kahapon, binigyang-diin ng Pangulo na ayaw na ayaw niya ng sugal.
Kasabay nito, nanindigan si Duterte sa pagsibak niya sa mga opisyal ng Nayong Pilipino Foundation (NPF) dahil umano sa pagpasok sa kontratang dehado ang Pilipinas.
Aniya, kalokohan ang pagbibigay ng NPF ng 75-year “gambling franchise” sa Hong Kong-based developer na landing international.
Kapag itinuloy aniya ng Nayong Pilipino ang pitumpu’t-limang taong kontrata, nangangahulugan ito ng paglaganap ng sugal lalo na sa mga kabataan.
Nauna nang nilinaw ng NPF na hindi pitumpu’t lima kundi dalawampu’t limang taon lang ang ibinigay nitong kontrata sa landing international.
Gayunman, inutusan na rin ng Pangulo ang Department of Justice (DOJ) na i-review ang nasabing kontrata.