Manila, Philippines – Nanindigan ang Palasyo ng Malacañang na mayroong nangyayaring sabwatan sa patigan ng oposisyon at ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army, National Democratic Front o CPP NPA NDF para mapatalsik si Pangulong Rodrigo Duterte sa posisyon.
Ito ang sinabi ng Malacañang sa harap narin ng pahayag ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Carlito Galvez na hindi kasama ang Magdalo group at ang Liberal Party sa Red October ouster plot pero ang CPP_NPA-NDF aniya ang lumalapit sa mga ito para patalsikin si Pangulong Duterte.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, kumbinsido sila na nakikipagsabwatan ang ilang miyembro ng LP sa CPP-NPA para mapatalsik ang pangulo at hayagan naman aniya na gusto ni Senador Trillanes na matanggal ang Pangulo sa posisyon.
Nilinaw din naman ni Roque na ang binanggit ni Galvez sa Senado ay wala namang memorandum of agreement ang LP sa mga komunista pero hindi naman aniya nito isinasantabi ang posibilidad na nakikipagugnayan ang mga miyembro nito sa mga komunista kaya walang inconsistency sa mga naging pahayag ni Pangulong Duterte at ng mga sinabi ni Galvez sa Senado.