Manila, Philippines – Nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi siya hihingi ng Sorry sa kanyang mga naging birada sa simabhang katoliko partikular sa pahayag niya patungkol sa Diyos.
Ito ang sinabi ni Pangulong Duterte matapos ang pahayag ni Brother Eddie Villanueva ng Jesus is Lord na dapat maglabas ng public apology ang Pangulo dahil sa pangiinsulto sa Diyos at nagbabala pa ito na magsasagawa ng pagkilos ang 10 milyon nilang miyembro kung hindi ito gagawin ng Pangulo.
Sinabi din naman ni Pangulong Duterte na maghihinayhinay muna siya ngayon sa kanyang pagsasalita patungkol sa Simbahang Katolika.
Sa talumpati ng Pangulo sa kanyang pagdalo sa Annual National Convention ng Vice Mayors League of the Philippines sa Bohol ay sinabi nito na mayroon siyang nabasang note na nagsasabi na huwag magmura at huwag awayin ang mga pari.
Sa buong talumpati naman ng Pangulo ay hindi ito bumanat sa Simbahang Katolika.
Sinabi din ng Pangulo na talagang gawi lang niya na alugin ang puno o itest ang hangganan ng mga tao.