Manila, Philippines – Nanindigan ang Philippine National Police na mataas talaga ang krimen sa Naga City.
Nilinaw ni PNP Chief Police Dir. General Oscar Albayalde na pang-anim ang Naga City sa mga syudad na may mataas na crime volume.
Sa pagdinig ng budget ng DILG, mula sa unang sinabi na pang-lima ang Naga pagdating sa dami ng krimen sa mga lungsod kasama ang Metro Manila, nilinaw ni Albayalde na pang-anim ang Naga at pinagbasehan ng pagkuha dito ang formula sa pagkuha ng crime volume.
Ayon naman kay PNP Directorate for Investigation and Detective Management Acting Dir. Elmo Francis Sarona, posible pang mag number 1 ang Naga sa crime rate kung ang formula na gagamitin ay pagbabasehan ang populasyon.
Aabot sa 202,000 ang populasyon ng Naga kung saan ang average crime rate nito ay nasa 202.80%.
Hindi naman matiyak kung ang lahat ng krimen na ito ay may kinalaman sa iligal na droga matapos na sabihin noon ni Pangulong Duterte na hotbed ng shabu ang Naga City.
Samantala, umapela muli si Vice President Leni Robredo na huwag idamay ang Naga sa mga pagbatikos sa kanya ng pamahalaan.
Sinabi ni Robredo na nakakalungkot na nagbibigay ang PNP ng statement na hindi nakabase sa totoong datos.
Aniya pa, kaya niyang tumahimik kung siya lamang ang binabatikos dahil sanay na sanay na siya sa pag-kritiko ng gobyerno pero kung ang Naga na ang idadamay ay aalma na siya dito.