NANINDIGAN | Red October Plot ng komunistang grupo, pinanindigan ng liderato ng AFP, oposiyon inabswelto

Manila, Philippines – Sa pagharap sa budget hearing ng Senado ay pinanindigan ni Armed Forces of the Philippines o AFP Chief General Carlito Galvez na totoo ang Red October Duterte ouster plot.

Ayon kay Galvez, may mga dokumento sila na magpapatunay na ito ay pinlano ng Communist Party of the Philippines-New Peoples Army o CPP-NPA kung saan nagsimula ang mass mobilization noong September 21 na magpapatuloy hanggang December.

Bilang sagot sa pagtatanong ni Antonio Trillanes IV ay nilinaw ni Galvez na hindi kasama sa planong destabilisasyon si Trillanes at si Liberal Party o LP President Senator Francis Kiko Pangilinan at iba pang opposition group.


Paliwanag ni Galvez, sa kanilang intelligence report ay nais ng CPP-NPA na maging karamay ang oposisyon sa kanilang plano laban sa administrasyon pero hindi ito naisakatuparan.

Bunsod nito ay binigyang diin ni Trillanes na maikukumpara sa tubig at langis ang oposisyon at komunistang grupo na hindi pwedeng magsama.

Giit ni Trillanes, hangga’t pinapatay ng mga rebelde ang mga sundalo ay hinding hindi hahalu sa mga ito ang oposisyon.

Tiniyak naman ni Pangilinan, na agad nilang ititiwalag sa partido ang sinumang miyembro na masasangkot sa anumang pagkilos na labag sa konstitusyon para mapatalsik si Pangulong Rodrigo Duterte.

Facebook Comments