Manila, Philippines – Nanindigan ang Palasyo ng Malacañang na hindi maaaring suspindihin ang ipinatutupad na Tax reform and Inclusion Law o TRAIN Law.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, kapag ginawa ito ng Pamahalaan ay masasakripisyo ang maraming proyekto at kabilang dito ang libreng edukasyon sa mga mag-aaral at ang build-build-build program na siyang magpapaganda pa ng ekonomiya ng bansa.
Binigyang diin ni Roque na ang pagtaas ng presyo ng bilihin ay hindi sadyang dahil sa TRAIN Law.
Paliwanag pa ni Roque, sa ngayon ay inatasan na ang mga kinauukulang tanggapan ng pamahalaan na pagaralan ang epekto ng TRAIN Law para mapatunayan na ang pagtaas ng presyo ng ilang bilihin ay dahil sa pagtaas ng presyo ng langis at hindi dahil sa TRAIN Law.
Nilinaw din naman ni Roque na wala nang dag-dag na buwis ang ipatutupad ng Pamahalaan bukod sa pinataas na buwis sa mga produktong may sugar content sa ilalim ng Batas.