Manila, Philippines – Muling dumating sa Department of Justice (DOJ) ang mga magulang ng mga batang naturukan ng Dengvaxia anti-dengue vaccine.
Kasama si Public Attorney’s Office head Persida Acosta, nanumpa ang mga kaanak ng mga biktima, sa kanilang reply affidavit o tugon sa counter affidavit ng respondents.
Gayunman, apat pa lamang na reply affidavits ang naisumite ng siyam na pamilya.
Humirit naman ang PAO na bigyan sila ng hanggang August 1 para makumpleto ang karagdagang 34 reply affidavits.
Sa kabuuan kasi, tatlumput walo ang respondents sa criminal cases na isinampa ng PAO at ng mga magulang ng mga batang naturukan ng Dengvaxia.
Kabilang sa mga respondents sina Health Secretary Francisco Duque III, dating Health Secretary Janette Garin, gayundin ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng DOH.
Bigo namang sumipot sa pagdinig sina Garin at Duque.
Sa August 30 naman itinakda ng DOJ panel of prosecutors ang paghahain ng respondents ng rejoinder affidavit.