
Nagsagawa na ng imbestigasyon ang Department of Energy sa napabalitang nag-aapoy na lupa na tinatawag na “bukana ng impiyerno” sa Occidental Mindoro.
Kasama ng DOE ang Provincial Environment and National Resources Office (ENRO) nang tunguhin ang bulubundukin sa bahagi ng Sitio Panlabayan, Barangay Manoot, bayan ng Rizal, kung saan bumungad sa kanila ang humigit-kumulang na 12 inches in diameter na parte ng lupa na naglalabas ng apoy.
Sinubukan umano ng DOE experts na magpakulo ng tubig dito at nakapagluto din ng itlog. Kumuha ng soil samples ang mga eksperto upang suriin sa laboratory kung ito ba ay biogenic o thermogenic.
Samantala, ayon sa isang source, may alam diumano dito ang Philippine National Oil Company, subalit ito ay wala pang kumpirmasyon.
Ayon sa mga kuwento, ang “nag-aapoy na lupa” ay nadatnan ng mga katutubong tribong Mangyan noon pa.
Sa ritwal ng mga katutubo, ito ay isang masamang espiritu o “bad omen” para sa kanila, hanggang sa panahon ng ’70s ay unti-unti nang napaparam o nawawala ang paniniwala ng mga ito.
Ayon sa mga residenteng malapit sa lugar, halos dalawang oras bago marating ito mula sa Tamaraw Gene Pool.
Naglalabas umano ito ng apoy kapag summer at nawawala naman tuwing tag-ulan.
Umaasa naman ang pamahalaang lokal na sana ay makatulong ito upang mapaunlad ang kanilang ekonomiya at turismo sa hinaharap.









